National News
PH Army, nanindigang walang nilabag na batas laban sa 2 environment activists na sina Jhed Tamano at Jonila Castro
Nanindigan ang militar na wala silang nalabag na batas laban sa 2 aktibista na sina Jhed Tamano at Jonila Castro.
Sa panayam ng media kay Philippine Army Commanding General Lt. Gen. Roy Galido, naniniwala siya na walang maling ginawa o nilabag na batas ang militar kaugnay sa kontrobersiyal na pagrecant o pagbawi ng testimonya ng 2 diumano’y environment activists.
Sa kabilang banda, nilinaw rin ng heneral na handa nilang kondenahin ang sinumang kasamahan nila na lalabag ng batas ng Pilipinas.
Samantala, hinamon din ni Lt. Gen. Galido ang sinuman partikular na sa kampo nina Tamano at Castro na magsampa ng reklamo o kaso kung sa tingin nila may nilabag ang militar sa pagkupkop sa 2 matapos na sila ay kusang sumuko sa poder ng pamahalaan.
Nauna nang nilinaw ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ligal ang pagsuko ng 2 kaakibat ang mga ebidensiya gaya ng raw videos ng panunumpa at pagbibigay salaysay nina Tamano at Castro sa dahilan ng kanilang pagsuko at tuluyang pagtalikod sa makakaliwang kilusan na kanilang dating kinaaniban.