National News
PhilHealth, inalis na ang 45-day limit sa hospitalization
Inalis na ng PhilHealth ang 45-day benefit limit sa pagpapagamot ng kanilang mga miyembro at dependents.
Ayon sa state health insurer, tinanggal ito dahil naging hadlang ito sa ilang pasyente para makatanggap ng mahahalagang serbisyo.
Sa ilalim ng dating patakaran, may 45 araw na limitasyon sa pagpapagamot ng miyembro bawat taon, at ang mga dependents ay may pinagsamang 45 araw ng benepisyo.
Kapag lumagpas na sa limit na ito, hindi na magbibigay ng reimbursement ang PhilHealth, at kailangang sagutin ng miyembro o kanilang dependents ang anumang dagdag na gastos.
Sa bagong patakaran, ang mga ospital na may pasyenteng na-confine nang lampas sa 45 araw ay hinihikayat na magsagawa ng masusing pagsusuri o audit sa kaso ng pasyente bilang bahagi ng Quality Assurance (QA) process.
Nilalayon ng PhilHealth na tiyakin na ang mga may malubhang sakit at nangangailangan ng pangmatagalang paggamot ay patuloy na makatatanggap ng serbisyong pangkalusugan nang hindi nag-aalala tungkol sa pagkakautang.
Magiging epektibo ang bagong patakaran sa Abril 4, 2025.
