National News
PhilHealth, tinawag na kalokohan ng isang senador
Muling umani ng matinding batikos ang Philippine health Insurance Corporation o PhilHealth sa Senado dahil sa hindi pagganap ng tungkulin nito.
Sa isang press briefing sa Senado, tinawag ni Senador JV Ejercito na kalokohan ang PhilHealth dahil sa mas inuuna nito na magkaroon ng savings sa kanilang pondo kaysa tulungan ang mga pasyente na nagpapasaklolo sa laki ng bayarin sa ospital.
Matatandaan na nasa P90 bilyon ang savings o unused funds ng PhilHealth na nais i-realign ng gobyerno para sa ibang programa.
Ani Sen. JV Ejercito, “Dapat unahin natin yung mga responsibilidad natin. Dapat unahin natin yung mga may billing na hindi nyo pala mabayaran.
May nakita akong biling 400-500 thousand tapos 12 thousand lang ang Philhealth. Anong kalokohan yun?”
Dismayado si Ejercito sa Philhealth dahil sa ilalim ng Universal Philhealth Law o Universal Health Care Act ay dapat mababa lamang ang babayaran ng mga pasyente sa ospital.
Si Ejercito ang principal sponsor at author ng Universal Healthcare law sa Senado nang maisabatas ito sa taong 2019.
Sa ngayon, ang UHCL ay nasa gitna na ng implementation period nito na sampung taon.
“Eto 1.5 million (bill) sa isang private hospital ang PhilHealth deduction mo is 10,700? .69 percent wala pang 1 percent? anong ginagawa ng Philhealth dito? naggagaguhan ba tayo dito?
“Ang hindi ko matanggap yung napakalaking billing ang sasagutin nila ay akkapiranggot. ano kayo savings bank? ANo kayo financial institution na ang kailangan ay profit? hindi ganun. Dapat serbisyo tayo.”
Kaugnay nito ay pinag-iisipan na ni Ejercito na paimbestigahan sa Senado ang state ensurer.
Kwestyunable kasi aniya ang napakababang assistance na ibinibigay ng Philhealth sa mga pasyente.
Sang-ayon din ang senador na i-hold muna ang budget ng Department of Health (DOH) para sa 2025 hangga’t ‘di nagpapaliwanag ang Philhealth.
Sa budget hearing ng DOH sa Senado nitong Lunes ay nadismaya si Senador Bong Go, ang chairman ng Committee on Health kung sa kung bakit hindi magawang dumalo sa pagdinig ang Presidente ng Philhealth na si Manny Ledesma.
“‘Yung huling meeting po MR ledesma October 2 kayo po ang nag set ng meeting na yun. kayo po ang tinanong ko kung kelan kayo available.
“Dahil nirerespeto namin ang schedule ninyo. Ang sinabi niyo po ay aavailable kayo october 2 pero 2 hours prior to the meeting sinabi mo di ka makakapunta … respeto naman po mr ledesma kung gusto mo ring respetuhin naman po.”
