National News
Philippine Army, may nakikitang posibleng election hotspot sa 2025 elections
Balik na sa normal ang sitwasyon sa bayan ng Shariff Aguak sa lalawigan ng Maguindanao matapos ang nangyaring barilan sa pagitan ng mga tagasuporta ng dalawang kandidato.
Nangyari ang naturang insidente noong October 8, huling araw ng paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) para sa 2025 midterm elections.
Isa ang kumpirmadong nasawi habang ikinasugat naman ng limang indibidwal sa naturang insidente.
Bagamat, humupa na ang tensyon sa nabanggit na lugar, patuloy pa rin itong minomonitor ng Philippine Army lalo pa’t papalapit na ang election.
Sa eksklusibong panayam ng SMNI News kay Col. Louie Dema-ala, tagapagsalita ng Philippine Army, sinabi nito na sinisiguro nila ngayon na hindi na mauulit ang nangyaring pamamaril.
“Sa ngayon normal situation na ‘yun doon. However, tinitignan parin natin through the Philippine National Police and ‘yung Philippine Army unit natin doon ini-insure parin natin na hindi na maulit ‘yung insidente na ‘yun and ongoing investigation and pursuit doon sa mga suspects sa nangyari na yun na barilan during the filling nung candidacy.”
Samantala, kaugnay nito may tinitignan na ang Philippine Army na mga lugar na pasok doon sa mga kwalipikasyon para ideklara na election hotspot.
“Yes, meron tayong tinitignan na mga lugar lalong-lalo na ‘yung mga identified areas na meron paring presence nung mga lawless armed group kaya ‘yun din ang mga possible na irerecomend natin during joint peace security council meeting para maisama doon sa magiging hotspots or yung mga priority na titignan natin mga areas during the conduct ng election,” saad ni Dema-ala.
Tungkol naman sa tanong kung babantayan ba nila muli ang mga lugar na naideklara noon na election hotspot?
“Hindi tayo makapag-speculate kasi tinitignan din natin actually jan kung may mga insidente ba na nangyari currently doon sa mga areas na ‘yun kasi possible din na pupwede na hindi na sila masasama doon sa list ng election hotspot for this 2025.”
Maliban sa pagbabantay sa Maguindanao, nauna nang nag-deploy ng mga sundalo ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Basilan, ito’y upang matutukan ang darating na election at upang mapanatili ang nakamit na kaayusan at kapayapaan sa nasabing lugar.
“Sa ngayon normal situation doon at alam naman natin since yung na declare natin most of the municipalities sa Basilan as insurgency free and kumbaga ready for development na kaya tuloy-tuloy ang ating preparations tuloy-tuloy ang ating conduct ng security operations doon para to sustain ‘yung peace doon sa area.”
Sa huli siniguro ng tagapagsalita ng Philippine Army na nakahanda na silang tumulong sa COMELEC at sa kapulisan ngayong darating na 2025 midterm election.
Ani Dema-ala, “Yes ready ang Philippine Army and tuloy-tuloy parin yung ating preparation for this upcoming 2025 national and local elections in collaboration and coordination with Philippine National Police and the Comelec.”
