Connect with us

Philippine Maritime Zones Bill, pasado na sa Senado

Philippine Maritime Zones Bill, pasado na sa Senado

National News

Philippine Maritime Zones Bill, pasado na sa Senado

Pasado na sa huli at ikatlong pagbasa sa Senado ang panukalang Philippine Maritime Zones Bill sa gitna ng pang-aangkin ng China sa buong West Philippine Sea (WPS).

Sa botong 23 o nagkakaisa at walang tutol sa Senate Bill (SB) No. 2492 na nagdedeklarang karapatan at pag-aari ng Pilipinas ang maritime zones ng WPS kabilang ang underwater features na naaayon sa UN Convention on the Law of the Sea at sa 2016 Arbitral Ruling.

Sa ilalim ng nasabing panukala, tampok ang sovereign rights at hurisdiksyon ng Pilipinas sa Exclusive Economic Zone (EEZ) nito sa WPS kalakip ang Benham Rise na kilala ngayon bilang “Talampas ng Pilipinas”.

Sinabi ni Senador Francis Tolentino, ang sponsor ng panukala, nagpasalamat ito sa mga kapwa nito senador sa suporta at itinuturing itong malaking kasaysayan para sa Pilipinas.

“Kahit ano pong mangyari ngayon sa Bajo de Masinloc. Kahit ano pong mangyari ngayon sa karagatan ng West Philippine Sea. Kahit ano pong mangyari ngayon sa Benham Rise, nakatatak na po sa kasaysayan ang Philippine Maritime Zones Law na magiging bantayog ng ating kalayaan,” sa pahayag ni Tolentino.

Sa pulong balitaan, sinabi ni Tolentino na sakaling maging batas ang panukala, ang lahat ng sakop ng Pilipinas sa WPS kabilang ang mga lugar na inangkin ng China ay idedeklarang pag-aari ng bansa.

Nakapaloob din sa panukala na mapoprotektahan ang mga mangingisdang Pinoy sa malawak na yaman ng WPS gayundin ang mga hindi pa nagagamit na mapagkukunan ng enerhiya sa lugar.

“Nagpapatuloy ito na meron tayong karapatan dun sa karagatang ‘yun. Kung meron mang hindi kikilala non ay meron din naman siyang haharapin na accountability. Puwede tayo mag file uli ng case ating idulog sa ganito. Subalit naniniwala po ako that the entire global community is supportive of this measure,” dagdag pa ni Tolentino.

More in National News

Latest News

To Top