National News
Pilipinas, nais mag-export ng calamansi sa China – PH envoy
Gumagalaw na ngayon ang pamahalaan para makapag-benta pa ng mas maraming agricultural products sa China.
Sa ekslusibong panayam ng SMNI News, sinabi ni Philippine Ambassador to China Jaime FlorCruz na tinatrabaho na nila ngayon ang calamansi exports sa China.
Laman ng bakurang Pinoy ang calamansi dahil sa kakayahang tumubo sa iba’t ibang weather conditions.
Bukod dito, binanggit din ni FlorCruz na kanilang sinusubukan ding magpadala ng coconut products sa China.
“Gusto rin po nating pumasok sa calamansi, yung coconut natin at iba pang mga produktong Pilipino,” saad ni FlorCruz.
Batay sa datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), nasa 12.78-K metric tons (MT) ang calamansi production sa bansa mula Enero – Marso ngayong taon.
Ang CALABARZON ang may pinakamataas na produksyon na may 2.40-K MT.
Katumbas ito ng 18.8% ng kabuuang produksyon ng calamansi sa nasabing kwarter.
Sumunod ang Gitnang Luzon na may 14.7%, at Davao region na may 13.2% production share.
Nauna nang nag-export ng Durian ang Pilipinas sa China at palalawigin ito sa iba’t-ibang produkto.
