Metro News
Pinaghubad umano sa inspeksyon sa NBP, ‘di pa rin nakapaghain ng reklamo
Kinumpirma ng Bureau of Corrections (BuCor) na hanggang sa kasalukuyan ay wala pa silang natatanggap na pormal na reklamo mula sa mga ginang na umano’y pinaghubad sa body search bago makadalaw sa kanilang mister na bilanggo sa New Bilibid Prisons (NBP).
Gayunman ay sinabi ni BuCor Director General Gregorio Catapang Jr. na agad na anyang sinibak sa trabaho ang pitong prison guards na idinadawit sa insidente.
Kaugnay niyan ay nananatiling suspendido ang pagpapatupad ng strip cavity search o pagpapahubad sa mga dumadalaw sa bilanggo sa lahat ng piitan o mga prison at penal farm na pinamamahalaan ng BuCor.
Nilinaw ni Catapang na mananatili ang suspensyon habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa reklamo ng mapang-abuso umanong inspeksyon sa mga bumibisita sa NBP at mga piitan na pinamamahalaan ng BuCor.