National News
Pinsala ng hanging habagat at mga bagyo, higit P600M na
Patuloy pa ang pagtaas ng naitatalang halaga ng pinsala ng hanging habagat at nagdaang mga bagyo tulad ng Ferdie, Gener at Helen sa sektor ng agrikultura.
Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Setyembre 24, 2024, umabot na sa mahigit P600M ang pinsala.
Pinaka apektado dito ang MIMAROPA (Mindoro Occidental, Mindoro Oriental, Marinduque, Romblon, at Palawan) na may higit P400M na halaga ng pinsala na sinundan ng Region 6 at Region 9.
Aabot naman sa mahigit 11K mangingisda at magsasaka ang naapektuhan ng naturang sama ng panahon.
Bukod dito, may naitala ring higit P20M halaga ng pinsala sa imprastraktura mula sa Cordillera Administrative Region, Region 6 at Region 10.
Halos 1.5M indibidwal rin ang naapektuhan dahil sa habagat at sunod-sunod na bagyo mula sa 13 rehiyon sa bansa.
Sa katunayan, may naiulat na 25 nasawi, 16 na sugatan at tatlong nawawala.