Regional
Pinuno ng NPA na hindi natiis ang gutom sa bundok, sumuko
Sumuko ang isang pinuno ng New People’s Army (NPA) sa Western Mindanao dahil sa pagod, gutom, at walang kapahingahan.
Ito ang inihayag ng dating lider ng NPA sa probinsiya ng Zamboanga del Norte na kinilalang si “KA Arnel” na sumuko sa pinag-samang tropa ng 97th Infantry Battalion (97IB) at 42IB sa Sitio Tungilawan, Barangay Bagumbayan sa Bayan ng Sergio Osmena Sr.
Ang nasabing rebelde ay isang pinuno ng Squad 2, Guerilla Front BBC, ng Western Mindanao Regional Party Committee (WMRPC).
Isinuko nito ang kanyang mga armas na isang M16 assault rifle, M635 assault rifle, at isang berretta 9mm pistol na may mga balang kasama.
Isinalaysay naman nito ang mga paghihirap na kanyang dinaanan sa kamay ng mga komunistang terroristang grupo, at ang mga kasinungalingan na itinuturo ng kaniyang mga pinuno.
Akala pa nito na papatayin siya ng mga sundalo sa kanyang pagsuko ngunit napatunayan nito na totoo ang programa ng pamahalaan para sa kanilang nagbabalik-loob sa gobyerno dahil tinulungan pa siya.
Nananawagan naman si Ka Arnel sa kanyang mga kasamahan na NPA na makiisa narin sila sa pamahalaan.
Pinagdiinan pa nito na nililinlang lamang sila ng idolohiyang nababalot sa kasinungalingan at nagpapahirap sa kanilang buhay rebelde.
Samantala, nangako naman si Maj. Gen. Generoso Ponio, 1st Infantry Division commander na sisiguraduhin nito ang kaligtasan at maayos na pamumuhay ng mga susukong mga rebelde.
Sa ngayon, i-eendorso nila si Ka Arnel sa programa ng gobyerno na Enhanced Comprehensive Local Integration Program para sa mas maayos na kinabukasan nito.