National News
PNP, hindi itinuturing na “armed and dangerous” si Pastor ACQ
Sa kabila ng kabiguang mahanap at makita si Pastor Apollo C. Quiboloy ng the Kingdom of Jesus Christ ay nilinaw ng Philippine National Police (PNP) na hindi nila itinuturing na banta sa seguridad ang butihing pastor.
Paliwanag ng PNP, walang rekord na naging marahas o bayolente si Pastor Apollo sa kabila ng impluwensiya nito bilang isang kilalang lider sa bansa.
“Sa tanong niyo na dahil siya ay nagmamay ari ng mga baril ay pupuwede ba natin siya i-consider na armed and dangerous. For now, hindi pa because wala namang indication before na naging marahas si Pastor Quiboloy at wala naman tayong namonitor so far na siya ay nagmamaintain ng PAG or private army,” ayon kay PNP-PIO, Chief, Col. Jean Fajardo.
Kasunod ng pakiusap ng pakikipagtulungan ng kampo ng butihing pastor sa mga awtoridad, nilinaw rin ng PNP na iginagalang nila ang kagustuhan ni Pastor Apollo na protektahan ang kanyang sarili dahil sa mga tinatanggap nitong banta sa kanyang seguridad kasama na ang posibleng pakikialam at pakikisawsaw ng bansang Amerika sa mga kaso nito.
“Wala pong tayong alam doon sa sinasabi ni Pastor Quiboloy at kanyang mga kasamahan na merong plano ang gobyerno ng America at ng Pilipinas para siya ay saktan o gamitan ng dahas. We categorically deny knowledge regarding that particular statement. We want to assure Pastor Quiboloy at lahat ng kanyang mga supporters at kanyang mga abogado na patuloy natin kinakausap na poproteksyunan natin si Pastor Quiboloy should he decide to surrender and submit himself to the jurisdiction of the court. We will provide the necessary security para masiguro ‘yung kaligtasan ni Pastor Quiboloy,” dagdag pa nito.
Sa huli, muling tiniyak ng PNP, na handa silang magbigay ng kaukulang seguridad para kay Pastor Apollo anumang oras na ito’y kanyang kailanganin.
