National News
PNP, pinabulaanang may kinalaman sa nadiskubreng uniporme ng Chinese Military
Pinabulaanan ng Philippine National Police (PNP) na may kaugnayan sa nadiskubreng uniporme ng People’s Liberation Army (PLA) ng China sa mga Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) hub ang pagdaragdag nila ng kanilang puwersa.
Ayon kay PNP PIO Chief Col. Jean Fajardo, nakatuon ang atensyon ni PNP Chief PGen Marbil sa pagpapaigting ng kanilang kampanya laban sa krimen.
Bagama’t aminado si Fajardo na maitinuturing ding National security concern ang mga nakitang uniporme ng Chinese Military sa mga POGO hub hindi naman maiu-ugnay ito sa pagiging abresibo ng China sa West Philippine Sea (WPS).
Gayunman, sinabi ni Fajardo na laging handa ang PNP na umalalay sa Armed Forces of the Philippines (AFP) kasunod na rin ng atas ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. na maghanda sa mga external threat.
Sa panig ng PNP sinabi ni Fajardo na mahigpit nilang tinututukan ang seguridad panloob ng bansa habang ipinauubaya nila sa AFP ang seguridad sa labas ng kapulaan ng bansa.
Sa ngayon, malaki aniya ang ibinaba ng krimen sa bansa mula Enero – Mayo ngayong taon sa 21.35% kumapara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
