National News
POGO, isang BPO industry ayon sa Malacañang
Ikinokonsidera ng Palasyo na napapabilang sa industriya ng business process outsourcing (BPOs) ang Philippine Offshore Gaming Operations o POGO.
Ito ay makaraang kumpirmahin ni Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) chairman Andrea Domingo ang pagpayag ng COVID-19 task force ng gobyerno na pwede nang magbalik-operasyon ang 30% workforce ng POGO sa gitna ng ipinapatupad na community quarantine.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, sa tingin niya nasa BPO industry ang POGO at hindi sa gaming sector dahil sa pagkakaintindi nito na ang pagsusugal sa pogo ay hindi isinasagawa rito sa Pilipinas kundi doon lamang sa ibang bansa.
Paliwanag pa ni Roque, parang BPO lang ang POGO sapagkat nandito ‘yung kanilang mga hardware at software pero wala namang pisikal na nangyayaring sugal dito sa bansa.
Matatandaang sinuspinde ang operasyon ng pogo simula noong Marso 15 bunsod ng paglaganap ng pandemic.
