National News
Posibleng pananabotahe sa liderato ng PNP, pinabulaanan – PNP PIO
Hindi nagugustuhan ng bagong pinuno ng Pambansang Pulisya ang mga kumakalat aniya na maling impormasyon laban sa kanyang administrasyon.
Ito’y matapos na kumalat sa social media ang umanoy utos ni Philippine National Police (PNP) Chief General Rommel Marbil na ilaan na lamang sa mga person deprived of liberty (PDL) ang rice allowance na para sa mga pulis.
Bagay na pinabulaanan ito ng PNP at sinabing fake news ang kumakalat na impormasyon.
“Alam niyo po marami tayong naririnig na mga fake news about babawasan ‘yung rice subsidy niyo, ‘yung iba ibang mga bagay, babawasan ‘yung CIP, CDP. I just want to say there is a difference between a wise man and a fool. A wise man talk because he has something to say. A fool talk because he has to say something. Dito po ‘yung iba mga fool they come up with so much stories na it destroys the organization. Hindi po ‘yan ang tama,” ayon kay Chief, PNP PGen. Rommel Francisco Marbil.
Giit ni Marbil, hindi niya ikinatutuwa ang mga nag-iisip ng masama laban sa kanya na nagdudulot rin ng gulo sa kanilang hanay.
“Alam mo ang pangarap ng bawat pulis ay ligtas ang mamamayan natin pero hindi lang po mamamayan ang dapat ligtas. Dapat kayo rin kaya hindi po ako natutuwa sa mga ganitong fake news ay nagkakagulo tayo, nag-iisip kayo ng masama. That’s not really true,” dagdag pa nito.
Samantala, agad namang pinasisilip ng PNP ang nakuhang impormasyon kaugnay sa pagkakakilanlan ng nagpakalat ng umano’y maling balita laban sa heneral.
Posible aniyang maharap sa kaukulang parusa ang nasa likod ng fake news na ito.
Nilinaw rin ng PNP na hindi basta-basta na lamang maipamimigay o maililipat ang mga naturang subisidiya dahil nasa batas ito at inilaan lamang para sa mga kapulisan.
