Connect with us

Presyo ng gulay, nagmahal sa ilang pamilihan

Presyo ng gulay, nagmahal sa ilang pamilihan

National News

Presyo ng gulay, nagmahal sa ilang pamilihan

Namomroblema ang ilang nagtitinda ng gulay dahil tumumal ang benta nila.

Tumaas kasi ang presyo ng ilang gulay dahil sa Bagyong Aghon.

Partikular na nagmahal ay ang mga gulay na pang-pinakbet tulad ng talong, okra, kalabasa, sayote, sitaw at iba pa.

“Mas dumoble po siya, dahil daw sa tag-ulan na daw po ngayon,” ayon kay Myra, tindera ng gulay

Aminado ang Department of Agriculture (DA) na may pagtaas ngayon sa presyo ng ilang gulay dahil na rin sa malalakas na pag-ulan bunsod ng bagyong Aghon.

Pero, minimal lang ito sabi ni DA Spokesperson Assistant Secretary Arnel De Mesa dahil hindi naman ito nakaapekto sa kabuuang suplay ng pagkain sa bansa.

“May epekto kahit papaano doon sa ating mga gulay,” ayon naman kay DA, Spokesperson Asec. Arnel De Mesa.

“Kaunti lang naman na effect kasi kaya naman niyang isuppliment malapit naman na source ‘yung lowland vegetables natin itong Central Luzon at itong Cagayan Valley,” dagdag pa nito.

Batay sa pinakahuling datos ng DA, alas-5 ng hapon ng Martes, ay pumalo na sa P22.80-M  ang inisyal na pinsala ng bagong Aghon sa sektor ng agrikultura.

Nasa 298 ektarya ng naapektuhan kung saan palay ang may pinaka-matinding napinsala na sinundan ng mga high value crop o gulay.

Papalo sa 976 metriko tonelada ng produktong agrikultural ang napinsala na pinagpaguran ng higit 500 magsasaka sa Calabarzon at MIMAROPA.

May namatay ding mga alagang hayop tulad ng manok, baboy, baka, at iba pa.

Gayunpaman, tiniyak ng DA ang agarang tulong sa mga naapektuhang magsasaka.

“Mayroon tayong standby na bufferstock natin for seeds, ito iyong pananim for both rice, corn, atsaka iyong ating mga gulay. Kasama na rito iyong ating mga pataba, para whenever iyong farmers ready na uli magtanim, they can plant already immediately after makasetup sila or makalinis. Alongside this seed and fertilizer, mayroon din tayong Quick Response Fund, standby fund natin is PHP1-B for all calamities and disasters. Nare-replenish naman iyon depende kung gaano kalaki iyong damage alternative livelihood o ACPC survival recovery loan,” saad ni DA, Spokesperson Asec. Arnel De Mesa.

More in National News

Latest News

To Top