National News
Presyo ng luya at bawang, umaabot na sa P400/kg
Mas mahal pa sa presyo ng karneng baboy at baka ang presyuhan ng ilang rekados ngayon sa ilang palengke sa Metro Manila na umaabot na sa P400/kg dahil kulang umano sa suplay.
Tinolang manok, batchoy at paksiw na isda, ilan lamang ito sa mga putaheng nilalagyan at pinasasarap ng luya.
At ang paborito mong pares, tiyak mas sasarap din kung lalagyan mo ito ng fried garlic.
Pero, hindi lang sa mga lutong bahay ginagamit ang luya at bawang dahil mabisa rin itong gamot sa sakit na sipon at ubo.
‘Yun nga lang mala-ginto na ang presyo nito ngayon.
Sa Commonwealth Market sa Quezon City pumalo na sa P400/kg ang presyo ng bawang habang P280/kg naman sa luya.
Hinay-hinay muna sa paggamit ng mga nabanggit na rekados.
Sa Marikina Public Market naman ay doble rin ang itinaas sa presyo ng luya na umabot na sa P400/kg.
Aminado ang Agriculture Department na may pagtaas talaga sa presyo ngayon ng rekados.
Seasonal lang daw kasi ang luya at bawang kaya’t kapos sila sa suplay.
Posible kasing napupunta ang suplay para sa household consumption o processor.
“So, nag-aagawan ngayon ng supply. As to, for household and for processing. So, their spike in prices shows that there is a tight supply availability as of the moment,” ayon kay DA, Undersecretary for High Value Crops, Ching Caballero.
Kuwesyunable ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) ang presyo ngayon ng ilang rekados sa merkado.
P170/kg lang kasi ang farm gate price ng luya kaya’t dapat sana ay nasa P220/kg lang ang retail price nito.
“Value chain nga ang problema. So, dapat ma-check ng mabuti kung saan tumaas ‘yung o biglang sumipa ‘yung presyo,” ayon naman kay SINAG, Chairman, Engr. Rosendo So.
Bagay namang tututukan daw ng ahensya.
“Kung titingnan natin doon sa BAPTC at tsaka sa NVAT, which is basically our wholesale food market. It’s around P100 to around that price. So, tinitingnan natin kung ito ba ay dahil sa transport cost,” dagdag pa ni Ching Caballero.
Habang ang bawang naman ay patapos na ang anihan pero kapos pa rin sa produksyon.
Nasa mahigit 38-K metric tons (MT) o 2% lamang ang produksyon ng lokal na bawang sa bansa kumpara sa demand na natin na aabot sa 140-K MT.
Ibig sabihin, 98% ng sibuyas na mabibili sa mga pamilihan ay imported.
Sabi ng DA, kung tutuusin mas makakatipid kung gagamit ng native na rekados tulad ng bawang na ito mula Batanes, maliit man pero mas malasa kumpara sa imported.
“Ito ‘yung kino-communicate natin sa ating community na we have to appreciate also kung ano iyong comparison. Mura, pero hindi ganun ka-pungent, mahal nang kaunti pero kailangan mo isang clove lang,” ani Caballero.
Target ng Agriculture Department na itaas ang produksyon ng sibuyas sa 20% mula sa 2% sa pamamagitan ng pagpapalawak ng multiplier farm sa Nueva Vizcaya, Lanao Del Norte, Quezon at iba pa.
