National News
Price ceiling sa regular milled at well-milled na bigas, ipatutupad sa ika-5 ng Setyembre
Epektibo simula Martes, ika-5 ng Setyembre ang price ceiling na P41 sa regular milled at P45 naman sa well-milled na bigas.
Ito ang inanunsyo ng Presidential Communications Office (PCO), alinsunod sa Executive Order (EO) No. 39 na inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Saad ng PCO, hakbang ito upang alalayan ang mga mamimili sa pagtaas ng presyo ng bigas sa bansa.
Kaugnay dito, inilahad naman ng PCO ang kaukulang parusa na nakasaad sa Sections 15 at 16 ng Republic Act No. 7581 o Price Act para sa mapatutunayang lalabag sa EO 39.
Sinumang lalabag sa mga probisyon ng Price Act para sa mandated price ceiling ay maaaring: makukulong sa loob ng hindi bababa sa 1 taon, hindi rin hihigit sa 10 taon; at magbabayad ng multang hindi bababa sa P5-K o hindi hihigit sa P1-M batay sa pasya ng korte.
Samantala, sinumang sangkot sa iligal na pagmamanipula ng presyo ng anumang basic o prime commodity tulad ng bigas ay maaaring: makukulong sa loob ng hindi bababa sa 5 taon, hindi rin hihigit sa 15 taon; magbabayad ng multang hindi bababa sa P5- K o hindi lalagpas sa P2-M.
