National News
Prisoner swap ni Alice Guo sa isang drug suspect, ‘di pa opisyal
Ibinahagi ng Department of Justice (DOJ) na wala pang opisyal na request ang Indonesia hinggil sa pagkakaroon ng prisoner swap kaugnay sa pagpapauwi ni Alice Guo sa Pilipinas.
Paglilinaw ito ni DOJ Usec. Nicky Ty matapos sinabi ni DOJ Sec. Boying Remulla sa isang deleted message ngayon na hiniling ng Jakarta Police ang prisoner swap sa pagitan ni Guo at ng isang drug suspect na si Gregor Johan Haas.
Nitong Setyembre 4, 2024 nang maaresto si Guo sa Tangerang City, Indonesia habang Mayo 15 sa Bogo, Cebu nang maaresto si Haas sa pamamagitan ng red notice na inilabas ng Interpol.
Sa kabilang banda, nagpapatuloy rin ang pakikipag-ugnayan ng DOJ sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) para matukoy ang lahat ng private flights ng mga eroplano na posibleng sinakyan ni Alice Guo, kanyang mga kapatid at iba pa para makaalis sa bansa.
Iginiit ng DOJ, duda sila sa kuwento ni Shiela Guo, ang kapatid ni Alice na bangkang pangisda lang ang kanilang sinakyan palabas ng Pilipinas.
Ipinaliwanag ng DOJ na hindi maganda ang kalagayan ng mga pasahero sa isang bangka para matiis nilang bumiyahe ng ilang araw.