National News
Pro-Duterte na mga senador, kampante sa kanilang kandidatura
Naghain na ng kanilang certificate of candidacy (COC) ang mga re-electionist na sina Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa at Sen. Christopher “Bong” Go, araw ng Huwebes, Oktubre 3, 2024.
Kilala ang dalawang senador na mga kaalyado ng pamilya Duterte kung kaya’t hindi nakaiwas ang mga ito sa mga tanong na may kaugnayan kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Sen. dela Rosa, lahat ng mga nangyayaring imbestigasyon na may kaugnayan sa mga Duterte at sa mga kaalyado nito ay pawang ‘demolition job’ lang upang hindi na makabalik ang mga ito sa pwesto at maging ang mga kaalyado nito.
Kaya para sa kanya, hahayaan niya nalang ang taumbayan ang humusga para sa kanila. “Alam naman natin ‘yung- what’s behind this investigation They form grand demolition jobs against us, the Duterte and the ally of the Duterte. So, I live that to the people- the people know what’s the real score. Ang taong bayan na ang mag decide kung totoo o hindi makikita natin ‘yan sa resulta ng election.”
Aminado si dela Rosa na maaaring maapektuhan ang kanyang kandidatura dahil sa mga alegasyon na ibinabato laban sa kanila ngunit tiwala siya na makakabalik parin siya sa Senado dahil sa suporta ng mga Pilipino.
Para naman kay Sen. Bong Go, isang karangalan ang maindorso sila ng dating Pangulong Duterte. “Of course, PDP kami at iniindorso kami ni dating Pangulong Duterte at ako’y naniniwala sa kanyang very strong endorsement.”
Samantala, kaugnay nito, sinamahan naman ni Sen Robinhood Padilla sina dela Rosa at Go sa kanilang paghahain ng COC.
Sa isang panayam, sinabi ni Padilla na hanggang ngayon ay umaasa siya na tatakbo sa pagka-senador si dating Pangulong Duterte. “Ako, hanggang ngayon, nakikiusap kay Mayor (FPRRD) na tumakbo. Bilang partido, ako ang presidente ng PDP, gusto ko na tumakbo sya. Kung hindi siya, isa sa mga anak nya ang tumakbo kasi para sa amin napakahalaga sa PDP na may Duterte kasi ang PDP ay Duterte.”
Ayon pa kay Padilla, “…mas matindi ang wisdom na kailangan natin…at nakita naman natin ang wisdom ni Pangulong Duterte noong panahon ng pandemic. Nalampasan natin ang pandemic dahil sa wisdom ng matanda.”