National News
Proteksyon sa Kalayaan Island Group, Scarborough Shoal bilang marine protected area, isinusulong
Nais ngayon ni Palawan 3rd District Rep. Edward Hagedorn na ipadeklarang marine protected area ang Kalayaan Island at Scarborough Shoal sa West Philippine Sea.
Sakop ng kanyang House Bill 6373 na mapagtibay ang proteksyon at preservation sa mga coral reef at iba pang marine resources ng bansa sa pinagtatalunang West Philippine Sea.
Sakop din ng panukala ang pagbibigay proteksyon sa Spratly Islands.
“Kasi alam mo yang spratly islands, 34% ng coral reef sa buong mundo ay andiyan eh. Yan yung breeding ground ng mga isda,” ani Rep. Hagedorn.
Saad ng kongresista, nais ng panukala na maiwasan ang paparating na kakapusan sa suplay ng isda.
Kaya dapat proteksyunan ang breeding ground ng mga ito.
“Pag sinira mo ‘tong mga coral reefs na’to, magkakaroon tayo ng fishery collapse. Yun ang nagiging problema natin, magkakaroon ng starvation. Pagka nasira yan at wala nang breeding ground yung mga isda,” dagdag pa nito.
Sa ganitong paraan, giit ni Hagedorn na dating Mayor ng Puerto Princesa City Palawan na igiit ang ating karapatan sa pinagtatalunang teritoryo.
“Tayo naman, ini-strengthen lang natin yung claim natin. Kasi diba pagdeklara ng UNCLOS na atin ito, wala pa talaga tayong nagawang aksyon na i-exercise yung ating rights sa area na yon. So its starts with a simple declaration within the area as a protected area. Which is very important” saad pa ng kongresista.
Samantala, inalala ni Hagedorn ang ginawa noon ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr.
Ang mga panahon na binigyang pansin ng Palawan ng national government.
Paraan daw ito para igiit ng Pilipinas ang ownership sa mga pag-aari sa mga lugar na sakop ng ating Exclusive Economic Zone.