National News
Protocol sa pagtulong ng dayuhang bansa sa pagtugon ng kalamidad, nakalatag na – DND
Nakalatag na ang protocol sakaling kailangan ng gobyerno ng tulong mula sa pribadong sektor at mga dayuhang bansa para sa pagtugon sa kalamidad.
Sa panahon ng mga kalamidad, ang gobyerno ay maaaring gumamit ng pribadong sasakyang panghimpapawid at makipagtulungan sa mga kasosyong bansa upang magbigay ng agarang tulong.
Ang pamamaraang ito ay magbibigay-daan sa mas mabilis at epektibong pagtugon sa mga sakuna, na makatutulong na mabawasan ang pinsala at magligtas ng mga buhay.
Sa press briefing sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) headquarters sa Quezon City, sinabi ni DND Secretary Gilberto Teodoro Jr. na nakalatag na ang mga protocol kung kailangan ng gobyerno ng tulong mula sa pribadong sektor at mga dayuhang bansa para sa pagtugon sa kalamidad.
“We have those protocols in place for not only the private sector, but better yet our partner nations.”
Idinagdag pa ni Teodoro na mas gugustuhin niyang i-tap ang mga katuwang na bansa sa mga paunang relief operation.
Aniya, maaari nilang dalhin ang pribadong sektor na may airlift services kapag bumuti na ang lagay ng panahon.
“Private aircraft normally ay insured ‘yan. ‘Pag dinadala mo sa risk areas, hindi babayaran ng insurance ang mga danyos na maaari nilang magastusan kung magkasakuna.”
Ginawa ng defense chief ang pahayag matapos masira ang isang C-295 aircraft ng Philippine Air Force (PAF) habang nasa isang relief mission sa Batanes.
Ang eroplano ng Philippine Air Force na maghahatid sana ng relief goods ng DSWD sa Batanes ay natanggalan ng gulong at sumadsad sa runway ng Basco Airport.
Siniguro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na maaayos ang naturang pinsala sa eroplano.
Tiniyak naman ni Teodoro na ang relief operations ay hindi makahahadlang sa AFP sa pagsasagawa ng external defense operations.
Samantala, mahigpit na binabantayan ng mga kaukulang ahensiya ng gobyerno ang development ng Bagyong Marce, na lumakas at naging ganap na bagyo nitong Martes.
Inilahad ng DND secretary na puspusan na ang paghahanda at ginagawang hakbang ng pambansa at lokal na pamahalaan para sa posibleng epekto nito.
Mahigpit aniya ang pakikipag-ugnayan ng mga opisyal ng estado sa local government units (LGUs) na posibleng maapektuhan ng sama ng panahon.
“Inaanyayahan ko din ang ating mga kababayan na maging matanong sa ating mga barangay officials or maging proactive sa pagtatanong sa ating barangay officials kung ano ang dapat nilang asahan, kung saan sa barangay sila lilikas or saan sila pupunta upang makakuha ng serbisyo,” ani Teodoro.
Sinabi pa ni Teodoro na ipo-post ang updates tungkol sa bagyo sa social media sites ng gobyerno at ipapalabas sa mga regional media network.
“Ika-cascade po natin itong mga impormasyon na ito para maaga pong babala, maagang paghahanda, at maagang pagkalinga ng ating mga kababayan.
