National News
Protocols sa ilalim ng GCQ, pinamamadali sa Inter-Agency Task Force
Pinamamadali na ang paglalatag ng protocols sa mga lugar na sasailalim sa ‘general community quarantine’ o GCQ bago sumapit ang panibagong extension ng lockdown pagsapit ng Mayo 1.
Sa video conference briefing ng House Defeat Committee, iginiit ni Peace and Order Committee Chairman at Masbate Rep. Narciso Bravo sa Inter-Agency Task Force ang kahalagahan na maisapubliko na ang mga alituntunin upang maunawaan ng mga mamamayan at ng nagpapatupad ng batas.
Sa ilalim ng GCQ, papayagan nang bumiyahe ang mga public transportation at bubuksan ang ilang establishimento at industriya.
Tinukoy din nito ang ilang problema sa ilalim ng enhanced community quarantine tulad ng social distancing, stay at home policy at paghahatid ng basic at essential goods sa buong bansa.
Dahil dito, hiniling ng Kamara sa IATF na luwagan at alisin na ang restrictions sa mga kargamento na naglalaman ng basic goods tulad ng pagkain at gamot.
Kaugnay nito, nakatakdang magbigay ng rekomendasyon ang Department of Trade and Industry ng mga establisyimentong maaaring magbukas sa mga lugar na nasa ilalim ng GCQ.
Sa panayam ng Sonshine Radio kay DTI Undersecretary Ruth Castelo, kabilang sa kanilang posibleng irekumenda ang manufacturing business gaya ng alcoholic beverages, semento, bakal, textile, at iba pa maging ang pagbubukas ng malls pero limitado lang ito.