National News
Quo warranto vs ABS-CBN, nararapat lang – dating Sen. Enrile
Nararapat lang ang inihaing laban sa ABS-CBN dahil sa umano’y paglabag nito sa Saligang-Batas.
Ito ang naging pahayag ni dating Senador Juan Ponce Enrile sa kanyang programang “Dito Sa Bayan Ni Juan” sa Sonshine Radio.
Ani Enrile, may problema ang kwalipikasyon ng ABS-CBN sa pagkakaroon ng franchise dahil mayroon umanong foreign participation sa network na isang malaking paglabag sa Saligang-Batas.
“Ang problema diyan ay yung kwalipikasyon ng ABS-CBN to have a franchise. Dahil sang-ayon sa ating Saligang-batas, ang mga korporasyon na ang kanilang negosyo ay communication o information, media, hindi pwedeng magkaroon ng kahit isang shares of stock ang banyaga, because it must be fully owned by Filipinos,” pahayag ni Senador Enrile.
Paliwanag pa ng dating senador, mayroong sistema na ginagawa ang ABS-CBN para makakuha ng foreign investment sa pamamagitan ng pagbibigay ng Philippine Deposit Receipts o PDR na umano’y isang form ng foreign investment at participation sa kumpanya.
“May ginawa silang sistema para makakuha ng kapital na banyaga. Yung tinatawag nilang Philippine Deposit Receipts. Ito yung pera ng banyaga na idedeposito-kuno sa ABS-CBN. Bibigyan ng resibo at doon sa deposito na iyon, gagamitin ng ABS yun para pagandahin yung kanilang mga equipment pero makikinabang sila [foreign investor] sa [dividends], sa kinikita. Hindi interest ang kanilang binabayaran dahil hindi loan yun eh. Hindi pautang kungdi investment doon sa kumpanya. At ang batayan ng pakinabang nung nag-invest ay kung ano kikitain nung kumpanya. May participation sila. Eh hindi pwede yun,” paliwanag ni Sen. Enrile.
Kaugnay nito, nararapat lang aniya ang inihaing quo warranto laban sa ABS-CBN upang mapatunayan ang isyu sa foreign participation sa nasabing network.
“Quo warranto proceeding ang dapat ang gamiting nila, yun ay proseso sa rules of court natin. Yung ginagamit na reglamento sa pagsusuri sa husgado to challenge the qualification of a corporation to do that business.”
Sa isyu naman kaugnay ng Kongreso bilang kamay ng pamahalaan sa pagbibigay ng prangkisa, sinabi ni Enrile na bagamat sila ang may kapangyarihan na magbigay ng franchise sa isang network, balewala pa rin ito kapag ang Korte na ang nagdesisyong ito’y labag sa batas.
“Kahit na magbigay ng prangkisa ang Kongreso, kapag sinabi ng Korte na hindi qualified ang ABS-CBN dahil sa violation, may foreign ownership, eh balewala yung prangkisa.”
Kung hindi mabibigyan muli ng pagkakataon, ang ABS-CBN franchise ay hanggang Marso 30, 2020 na lamang.
