National News
Release ng P450-B unprogrammed funds sa 2024 budget, pinapaharang
Naghain ang 3 mambabatas ng isang petisyon sa Supreme Court na naglalayon ring kwestiyunin ang karagdagang P450-B sa unprogrammed funds ng 2024 budget.
Ang mga ito ay sina Albay 1st District Rep. Edcel Lagman, Camarines Sur Rep. Gabriel Bordado at Basilan Rep. Mujiv Hataman.
Nilalaman ng kanilang petisyon ang harangin ang pag-release ng nabanggit na unprogrammed funds.
Sa ulat, bago isinalang sa bicameral committee ang 2024 proposed budget ay nasa P281.9-B lang ang nakalaan sa unprogrammed appropriations.
Nang maisalang na ito ay umabot na sa P731.4-B ang unprogrammed appropriations.
Nauna na itong napuna ni Sen. Koko Pimentel.
Aniya, labag sa konstitusyon ang P450-B na pagtaas ng inilaang pondo para sa unprogrammed appropriations dahil nakasaad sa Article 6, Section 25 ng 1987 Constitution na maaaring aprubahan ng kongreso ang anumang budget appropriations na ipinanukala ng pangulo para sa operasyon ng pamahalaan.
Subalit nilinaw nito na hindi maaaring taasan ng kongreso ang appropriations ayon sa Senate minority leader.
Sa panig ng Department of Budget and Management (DBM), ipinaliwanag nito na “standby funds” lang ang P450-B na unprogrammed appropriations.
Binigyang-diin nito na labas ang tinatawag na unprogrammed appropriations sa inaprubahang P5.7676-T na national budget ngayong taon.
