National News
Rep. Salceda, ipinaliwanag ang kahalagahan na maisabatas ang Bayanihan 3
Ipinaliwanag ni House Ways and Means Committee Chairman Rep. Joey Salceda ang kahalagahan na maisabatas ang panukalang batas na Bayanihan 3.
Sa ilalim ng House Bill No. 8059 o ang “Bayanihan to Rebuild as One Act”, ₱247 bilyon ang inilalaan na alokasyon para sa emergency response at economic programs sa ilalim ng panukala.
Kukunin ang pondong ito mula sa savings ng mga ahensya ng gobyerno.
Paliwanag ni Salceda, pangunahing makikinabang dito ang mga nasa sektor ng Micro, Small and Medium enterprises (MSMEs).
Marami naman ang kumuwestyon sa Bayanihan 3 dahil nais itong isinasabatas ito kasabay ng pagsasabatas sa 2021 Proposed National Budget.
Subalit paliwanag ni Salceda, malaking parte ng pondo sa susunod na taon ay mapupunta sa infrastructure projects at hindi pangtulong sa mga naapektuhan ng pandemya.
Nakasaad din sa panukala na ₱20 bilyon ang alokasyon na inilalaan para sa pagbili ng mga bakuna, pagtatag ng vaccine committee at sa pagtitiyak na sapat ang health supplies.
Samantala, naisapinal na ng Kamara ang kanilang 21 mambabatas na kakatawan sa mababang kapulungan sa bicam para sa 2021 Proposed National Budget.
Ang House contingent ay pangungunahan ni House Committee on Appropriations Chairman Eric Yap.
Kasama rin dito sina Deputy Speakers Salvador “Doy” Leachon at Mikee Romero at 16 members mula sa majority.
Ito ay sina Majority Leader Ferdinand Martin Romualdez, Pampanga Rep. Juan Pablo “Rimpy” Bondoc, Rizal Rep. Michael John Duavit, Deputy Majority Leader Bernadette Herrera, Romblon Rep. Eleandro Jesus Madrona, Negros Occidental Rep. Francisco Benitez, at Sulu Rep. Munir Arbison.
Kabilang din sa House contingent sina Deputy Speaker Loren Legarda, Assistant Majority Leader Kristine Singson-Meehan, Deputy Speaker Roberto Puno, Deputy Speaker Jose “Lito” Atienza, Batangas Rep. Eileen Ermita-Buhain, Valenzuela Rep. Eric Martinez, Abra Rep. Joseph Bernos, Albay Rep. Joey Salceda, at Valenzuela City Rep. Weslie Gatchalian.
Kasama rin sa listahan sina Minority Leader Joseph Stephen “Caraps” Paduano at independent lawmaker Albay Rep. Edcel Lagman.