National News
Rescue operation, patuloy na isinasagawa sa gumuhong hotel sa Kidapawan City
Patuloy na nagsasagawa ng rescue operation ang mga otoridad sa gumuhong hotel sa Kidapawan City matapos ang magnitude 6.5 na lindol na tumama sa Tulunan, North Cotabato.
Ayon kay National Disaster Risk Reduction And Management Council (NDRRMC) Spokesperson Mark Timbal, inaalam pa ng mga otoridad kung fully occupied ang Eva’s hotel nang mangyari ang lindol.
Inaalam din aniya ng mga concerned agency kung may mga tao pang na-trap sa loob ng establisyemento.
Sinabi ni Timbal na napinsala na rin ang nasabing hotel matapos ang magnitude 6.6 na lindol noong Oktubre 29 na nag-iwan ng walong patay at halos 400 sugatan.
Sa ngayon ay wala pang maibigay na bilang ng mga nasawi si Timbal dahil sa nagpapatuloy na rescue operation.