International News
Resolusyon na maglilimita sa war powers ni Pres. Trump vs Iran, ipinasa ng US Senate
Tuluyan nang ipinasa ng US Senate ang war powers resolution na layuning limitahan ang kapangyarihan ni US Pres. Donald Trump na makipagdigmaan sa Iran nang walang pahintulot ng kongreso.
Bagama’t kontrolado ng mga kaalyadong republicans ni Trump ang senado, iilan sa mga ito ang nakiisa sa democrats upang maipasa ang panukalang-batas sa pamamagitan ng isang bipartisan vote.
Kapag tuluyang naisabatas ay kinakailangan tanggalin ni Trump ang lahat ng US troops na sangkot sa karahasan kontra Iran maliban na lang kung aprubado ng US congress ang paggamit ng US military force laban dito.
Ilang oras bago ang botohan sa US congress ay isang rocket ang tumama sa Iraqi base kung saan nakaistasyon ang ilang US troops habang wala naman naiulat na nasawi sa insidente.
Ipinasa ang panukalang-batas matapos magdulot ng matinding pangamba ang pagkamatay ni top Iranian commander Gen. Qassem Soleimani sa isinagawang targeted drone strike ng US noong Enero na nagpapalala sa US-Iran tensions.