National News
Responsable sa Bataan oil spill, dapat kasuhan na– senador
Bunga ng matinding pinsala ng oil spill sa paglubog ng ilang marine vessels sa Bataan, isinusulong ni Sen. Cynthia Villar na agarang sampahan ng mga kaso ang ship owners at operators nito.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Environment, Natural Resources, and Climate Change, sinabi ni Villar na dapat parusahan ang mga may-ari at operators ng MTKR Terranova, MV Mirola 1, at MT Jason Bradley na lumubog noong Hulyo sa Bataan.
“Tinatanong ko lang sa inyo, ano ang timetable ninyo sa pagfile ng case. Kaso, pag hindi ka nag-file ng case, baka hindi magbayad ‘yan diba? Nagbigay ng tulong puro gobyerno. Wala namang binigay na tulong ang private, na sila naman ang nag-cause ng damage,” ani Sen. Cynthia.
Sa pagdinig, nangako naman sina Region III Environmental Management Bureau Regional Director Martin Jose Despi, Philippine Coast Guard (PCG) Commodore Arnaldo Lim, at Maritime Industry Authority (Marina) Administrator Sonia Malaluan na magsasampa sila ng mga kaso laban sa mga nabanggit sa loob ng isang buwan.