National News
‘Round the clock air transportation’ sa mga relief goods, tiniyak ng PAF
Tiniyak ng Philippine Air Force (PAF) na patuloy ang kanilang ‘round the clock air transportation’ sa mga relief goods na ipapamahagi sa mga residente na biktima ng malakas na lindol sa Central at Eastern Mindanao.
Sinabi ni PAF Spokesperson Major Aristides Galang na mula nitong unang araw ng Nobyembre ay nasa kabuuang 17,000 pounds na mga relief goods ang naikarga sa PAF C130 para ipamigay sa mga pamilya na biktima ng magkakasunod na lindol.
Kabilang dito ang mga gamot, food packs, tents at iba pang mga kagamitan na donasyon ng iba’t ibang government and non-government agencies sa Davao, Cotabato at General Santos City.
Nagpadala naman ang Office of Civil Defense ng portable filtration units at iba pang relief items sa pamamagitan ng PAF C295 mula Villamor Air Base patungong Davao City nitong Nobyembre a-dos.
Ayon kay Galang, nasa full alert status ang PAF para matiyak ang agarang pagresponde lalo na sa pagbibigay ng humanitarian assistance and disaster response na kinakailangan.
Ulat ni Charlie Nosares
