National News
“Run Inday Run” campaign, inilunsad ng Alyansa ni Inday Movement
Inilunsad ng Alyansa Ni Inday Movement ang “Run Inday Run” campaign na naglalayong himukin si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na tumakbo para sa 2022 Presidential election.
Bagama’t una na ring nabanggit ni President Rodrigo Roa Duterte na hindi tatakbo ang anak nito sa pagkapangulo ay naniniwala pa rin ang iba’t ibang sector na kayang kaya ni Inday Sarah na mamuno kapalit ng kanyang Ama, bilang pangulo ng Pilipinas.
Pinangunahan ni Dr.Alvin “Vince” Sahagun ang pangulo ng “Alyansa Ni Inday Movement” ang pagpapakita ng suporta kasama ng ilang negosyante at PBA Legends sa pagsuporta ng “Run Inday Run” campaign.
Kabilang din sa mga dumalo sina Jerry Codiñera, Bong Alvarez, E.J. Feihl, Rodney Santos, at Mark Andaya.
Ayon kay Dr. Sahagun, ang kanilang pakikiusap kay Mayor Inday Sara ay mula sa kanilang saloobin na mga boluntaryo na nais ipagpatuloy ang nasimulan ng kanyang Ama na si Presidente Digong.
Aniya, hindi sapat ang isang termino para matapos o magampanan pa ang adhikain na gusto ng ating pangulo para sa ating bansa.
Dagdag pa ni Dr. Vince, wala pa silang makita sa ngayon sa sector nila sa pagnenegosyo at sa mga kababayan natin sa masa , na pwedeng pumalit sa Presidente kundi sa katauhan lamang ni Mayora Sarah Duterte.
