National News
Sec. Panelo, walang ideya sa oust-Duterte matrix na iprenesenta noong 2019
Walang ideya si Presidential Legal Counsel Sec. Salvador Panelo sa nilalaman ng ipineresenta nyang matrix noong 2019 hinggil sa mga taong gustong patalsikin si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang nilinaw ni Panelo sa panayam ng Sonshine Radio kaugnay sa isyung isinangkot nya umano si Filipina weightlifter at olympic gold medalist Hidilyn Diaz sa naturang matrix.
Aniya, “Just minutes before my press briefing (2019), tinawagan tayo ni Presidente Rodrigo Duterte at binigyan tayo ng instruction na padadalhan ako ng matrix, doon sa oust-Duterte matrix, ‘yung mga taong involve sa pagplano na tanggalin sya sa kapangyarihan. So nilahad ko doon ‘yung mga nakarating sa akin. Number 1, wala akong kinalaman sa matrix. Hindi ako ang gumawa nun.”
Binigyang-diin ni Panelo na ang isang Rodel Jayme lang na fan ni Hidilyn Diaz ang pinaniniwalaang sangkot sa oust-Duterte scheme at hindi ang Filipina weightlifter.
“Yung isang tao na supposed to be involve doon sa oust-Duterte, na sya namang involve doon sa totoong listahan ng Narco list. Ang pangalan ay si Rodel Jayme, merong linya nakatutok doon sa facebook account ni Hidilyn, na ang ibig lang namang sabihin nun ay taga-hanga o friend sa facebook nitong si Hidilyn,” paglilinaw ni Panelo.
Sa naturang matrix, pinapakita lang aniya kung sino at ano ang pagkatao ni Rodel Jayme.
Sa kabila nito, humingi naman ng paunmanhin si Panelo kay Hidilyn Diaz hinggil sa kaguluhang dulot ng isyu.
