National News
Sec. Roque, hindi sumama ang loob kay Mayor Sara sa hindi pagtakbo nito bilang pangulo sa 2022 elections
Inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi sumama ang kanyang loob kay Davao City Mayor Sara Duterte Carpio.
Ito ay sa kabila ng dala-dalang pag-asa ng kalihim at ng napakaraming supporters na nag-aabang sa labas ng Sofitel sa Pasay City na magpa-file ang presidential daughter ng Certificate of Candidacy(COC)sa pagka-presidente noong Oktubre 8.
Sa pulong balitaan sa Malakanyang ngayong araw, sinabi ni Roque na hindi sumama ang kanyang loob dahil nauna nang ipinaalam ni Inday Sara sa kanya na pagka-alkalde ang tatakbuhan nito sa 2022 elections.
Gayunman, umaasa lamang si Roque na magbabago ang isip ng presidential daughter, pero hanggang sa huling araw ng COC filing, ay hindi pa rin nagbago ang pasya ni Mayor Sara.
Samantala, dumistansya naman ang Malakanyang sa sinasabing ‘possible substitution’ ni Inday Sara, bagkus pinapaubaya na ng Palasyo ang naturang usapin sa opisyal na tagapagsalita ng alkalde.