National News
Sen. Bato, nag-init ang ulo sa naging pagdinig sa Senado sa PDEA leaks
“Nababayaran ako ni Liza Marcos? How dare you!? Do you think may presyo ang mukha ko?” ayon kay Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa.
Nag-init ang ulo ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa dahil sa pangingialam ng vlogger na si Maharlika sa takbo ng pagdinig sa Senado.
Habang nagpapatuloy kasi ang pagdinig ng Senate Committee on Dangerous Drugs na pinamumunuan ni Sen. Bato sa kontrobersyal na PDEA leaks ay nag-post sa social media ang U.S. based vlogger na nagpapahiwatig na hindi patas ang senador.
Sa nasabing post ay tinanong ni Maharlika kung nabayaran na ba ni first lady Liza Marcos ang mambabatas.
“Sino lang ang senador na andito nag hearing? Why? You ask yourself? Kung sino lang ang senador na gusto malaman ang katotohanan!” dagdag pa ng senador.
Sa iba pa niyang post sa social media ay kinuwestiyon ni Maharlika kung bakit hindi ang umanoy paggamit ng ilegal na droga ni Marcos Jr. ang iniimbestigahan ng senador.
Pinuna rin ng vlogger ang lumantad na 4 na PDEA employees na kumontra sa pahayag ng former PDEA agent na si Jonathan Morales na siyang signatory sa mga dokumentong nagdidiin kay Marcos bilang cocaine user noon.
Matatandaan na kinumpirma ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang nasabing confidential report sa isang rally sa Tagum City.
Ang mga dokumento kontra kay PBBM ay unang lumabas sa isang vlog ni Maharlika.
Sa isang interview matapos ang unang pagdinig ay muling iginiit ni Morales na totoo ang mga nasabing dokumento.
“Hindi naman basta pwedeng balewalain dahil nakita ng dating Pangulong Duterte. May sinasabi siyang report na nakita niya involving Actress Maricel Soriano at President Bongbong Marcos. Kaya itong report na ito ay resulta lang ng trabaho. Naiintindihan ko sila dinedeny nila ngayon dahil nga sitting president eh,” pahayag naman ni former PDEA Agent, Jonathan Morales.
Sa pagtanggi naman sa kanyang mga alegasyon ay sinabi ni Morales na naiintindihan niya ang kanyang mga dating kasamahan sa ahensya.
“Part lang talaga na pinapunta sila rito dahil sa hepe nila na nag-uutos. Yun nga lang nakalulungkot dahil sa mamimili talaga sila dun sa akin at dun sa pagkain sa mesa nila,” dagdag ni Morales.
Para naman kay Senador Bato, nananatili pa rin sa isang deadlock ang pagberipika sa mga classified document.
“That’s official statement coming from PDEA, so who am I not to believe PDEA?”
“At ito naman si Morales na nagsasabi na siya ang gumawa ng papeles na ‘yan na andun na kay Maharlika at kumalat na sa social media ay hindi ko rin puwede sabihin na hindi totoo ang sinabi niya kasi anjan naman talaga ‘yung dokumento,” ani Sen. Bato.
Matapos ang unang pagdinig kaugnay sa PDEA leaks ay agad nang nag-executive session ang komite kasama ang mga taga-PDEA.
Ayon kay Senador Bato, asahan na magkakaroon pa nang kasunod na pagdinig hanggat di pa natutukoy kung sino ang nag-leak sa mga nasabing confidential na dokumento.
Ang vlogger na si Maharlika ay imbitado na rin sa susunod na pagdinig.
