National News
Sen. Bato, tiwalang papasa ang mandatory ROTC bill sa Senado
Sa kabila ng pag-aalinlangan ng kapwa senador ay tiwala si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na ang panukala na nagsusulong para maging mandatoryo ang Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) ay maaprubahan sa Senado.
Ito ang sinabi ng dating police general na naging mambabatas matapos ipangako sa kanya ni Senate President Juan Miguel Zubiri na ipagpatuloy ang deliberasyon sa Senate Bill 2034 sa Mayo.
“My own personal estimate is that we will win by [a] slim margin. Kung magkakabotohan, we will win by [a] slim margin,” ayon kay Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa.
Tiwala si Sen. Bato na kung magkakabotohan kasama ang 24 na senador ay tiyak na lulusot ang nasabing panukala.
Personal nga raw niyang hiniling kay Zubiri na talakayin ang Senate Bill 2304 at desisyunan ang panukala ng kapulungan.
Umaasa si Senator Bato na maisasabatas ang ROTC bill bago ang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos.
Matatandaan na kabilang ito sa priority bills ng kasalukuyang administrasyon.
Kasalukuyang naka break ang Kongreso kung saan nakatakda naman itong magbalik sa April 29.
“With or without the West Philippine Sea issue, kailangang kailangan talaga natin ‘yan. How much more na merong pending threat galing d’yan sa West Philippine Sea? So, the more that we have to prepare. There’s no compromise for defense,” dagdag pa ng senador.
Muling iginiit ng senador na mahalaga ang nasabing programa, partikular na sa gitna ng lumalalang tensyon sa West Philippine Sea (WPS).
Ipinunto rin niya na hindi bago ang konsepto ng ROTC program kung saan aprubado pa aniya ito ng ating mga ninuno.
Si Dela Rosa ay kabilang sa mga senador na nag-akda ng panukala na naglalayong ibalik ang pagpapatupad ng mandatory ROTC program sa mga mag-aaral.
Noong Marso 2023, sinuportahan ni Dela Rosa ang Committee Report No. 64 na naglalaman ng Senate Bill 2034 kung saan pinagsama ang lahat ng mga panukalang batas ukol sa mandatory ROTC program.
Sa ilalim ng SB 2034, ipapatupad ang mandatory basic ROTC program sa lahat ng mga mag-aaral na naka-enrol sa hindi kukulangin sa 2-taong undergraduate degree, diploma, o certificate programs sa mga higher education institutions at technical-vocational institutions.
Ang panukalang batas ay kasalukuyang nasa period of interpellations sa Senado.
