National News
Sen. Chiz, nag-sorry sa pag-abuso sa paggamit ng protocol plate
Nagsorry na si Sen. Chiz Escudero matapos mag-viral ang video ng isang sasakyang humarurot habang sinisita ng traffic enforcer sa bus lane ng EDSA, ang plate number kasi ay nakapangalan sa kanya.
Isang luxury sport utility vehicle (SUV) na may “7” protocol plate ang tineketan araw ng Huwebes, Abril 11, dahil sa iligal na paggamit ng exclusive bus way.
Pero nilinaw ni Escudero na hindi siya ang gumagamit ng sasakyan nang mangyari ang insidente, pero inamin niya na miyembro ito ng kanyang pamilya.
Inatasan naman na ng senador ang nagmamaneho ng sasakyan na humarap sa LTO bilang pagsunod sa show-cause order na inisyu habang nahaharap siya sa isang kaso at parusa.
Batay sa regulasyon, posibleng umabot sa P30-K ang multa para sa mga sasakyang lumalabag sa patakaran sa EDSA bus lane.
Bukod sa mga bus, tanging pinahihintulutan lamang na gumamit ng EDSA bus lane ay mga ambulansya, bumbero, pulis at mga convoy ng presidente, bise presidente, Senate president, House speaker at chief justice.
Kasunod ng insidente ay nagboluntaryo na rin ang senador na i-surrender ang protocol license plate sa LTO.
Pinuri rin niya ang mga otoridad sa ginawang pagsita at nagpahayag ng suporta sa hakbang ng gobyerno na nasusunod ang traffic rules and regulations sa Metro Manila sa kabila ng ranggo, titulo, o posisyon.
Humingi na rin siya ng paumanhin sa kanyang mga kapwa senador dahil sa kanyang nagawang pagkakamali.
Ang mga plakang may numerong 7 ay nakalaan lamang para sa mga senador. Iniisyu ang mga protocol plate para sa “kaginhawaan at kaligtasan” ng matataas na opisyal ng gobyerno.
Pero ang LTO ay aminado na madalas itong naaabuso kung saan inililipat sa mga kamag-anak ng government officials na isang paglabag sa batas.
