National News
Sen. Go, nangunguna sa survey; Go, nanawagan ng buong suporta sa DuterTEN
Muling nangunguna sa pinakabagong senatorial survey si Senador Bong Go at nanawagan ng buo at solidong suporta para sa “DuterTEN” ang 10 kandidatong aniya’y kaagapay sa pagsusulong ng makatao at makamasang serbisyo sa Senado sa nalalapit na 2025 midterm elections.
Kasabay ng kanyang pamamayagpag sa mga pinakabagong survey ay ang panawagan niyang buo at solidong suporta para sa DuterTEN senatorial slate sa nalalapit na 2025 midterm elections.
Sa pinakahuling Pulso ng Pilipino nationwide survey na isinagawa mula April 28 – May 3, ngayong taon, muling nanguna si Go sa senatorial race sa pagtanggap ng 59% suporta mula sa mga respondent.
Tumaas ito ng 2 puntos mula sa 57% sa naunang survey noong April 11 – 15 patunay na patuloy na nagtitiwala ang taumbayan sa kanyang mga adbokasiya at serbisyo.
Kasabay ng kanyang tagumpay sa survey, iginiit ni Go ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga kaalyadong lingkod-bayan sa Senado para mas mapabilis at maisakatuparan ang mga programang makatao at makamasa.
Kaya’t nananawagan siya ng buong suporta para sa DuterTEN ang sampung kandidato na aniya’y may tunay na malasakit sa mga ordinaryong Pilipino.
Binigyang-diin ni Go na ang pagkapanalo ng DuterTEN ay magbibigay daan sa pagpapatuloy ng mga programang tumutugon sa mga pangunahing pangangailangan ng mga Pilipino mula sa serbisyong medikal at abot-kayang bilihin, hanggang sa sapat na pagkain at disente’t matatag na hanapbuhay, “Suportahan natin ang buong DuterTEN team. Ang kapanalunan nila ay kapanalunan din ng bawat Pilipino.”
Ayon kay Go, ang pagkakaisa ng taumbayan sa likod ng DuterTEN ay isa raw’ng mahalagang hakbang tungo sa mas matatag at mas maayos na serbisyo publiko, na tunay na ramdam sa mga komunidad sa buong bansa.
Sa mga survey mula sa Pulse Asia, Arkipelago Analytics, at Tangere, pinapakita rin ang malawakang suporta ng publiko kay Go.
