National News
Sen. Marcos, nanawagan ng imbestigasyon sa pag-aresto kay FPRRD
Nanawagan si Senadora Imee R. Marcos ng agarang imbestigasyon kaugnay sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, isang isyung nagpapalalim ng hidwaang political sa bansa.
Bilang tagapangulo ng Senate Committee on Foreign Relations, iginiit ni Marcos na kailangang tiyakin kung nasunod ang due process at kung naprotektahan ang mga karapatan ni Duterte, lalo na’t may kaugnayan ang International Criminal Police Organization (Interpol) at International Criminal Court (ICC) sa insidente.
Kaugnay nito, inimbitahan ng senadora ang mga opisyal mula sa Philippine National Police (PNP), Office for Transportation Security ng DOTr (OTS-DOTr), Department of Justice (DOJ), Department of Foreign Affairs (DFA), National Security Council (NSC), Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), at iba pang mahahalagang personalidad upang magbigay-linaw sa usapin.
Ayon kay Marcos, kailangang matalakay sa Senado ang mga kritikal na isyung ito upang mapanatili ang hurisdiksyon ng bansa at malinawan ang mga patakaran sa pakikilahok ng ating mga ahensiya sa mga pandaigdigang hukuman.
