National News
Sen. Poe, nais ituloy ang laban kontra malnutrisyon ng mga bata
Nanawagan si Senadora Grace Poe sa mga kandidato sa darating na halalan na gawing prioridad ang laban kontra malnutrisyon at pagkabansot ng mga bata.
Ayon kay Poe, ang kinabukasan ng ekonomiya ng bansa ay nakaangkla sa kalusugan at nutrisyon ng kabataan.
Binigyang-diin ng senadora na ang Republic Act 11037 o ang Masustansyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act, na siya ang pangunahing may-akda, ang naglatag ng pundasyon para sa mga feeding program sa mga paaralan.
Sa ilalim ng School-Based Feeding Program ng Department of Education (DepEd), mahigit 16-M estudyante ang nakatanggap ng mainit na pagkain, at higit 12-M mag-aaral naman ang nabigyan ng sariwang gatas mula 2018 – 2024.
Sa kasalukuyang school year, tinatayang 2.2-M mag-aaral ang patuloy na nakikinabang sa programa.
Para sa taong 2025, P11.7-B ang inilaang pondo para sa SBFP—mas mataas ng mahigit P65-M kumpara noong nakaraang taon.
Samantala, sa Supplementary Feeding Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), halos 10-M bata mula sa mga child development centers sa buong bansa ang nabigyan ng masustansyang pagkain at gatas mula 2020 – 2024.
Ani Poe, maganda na ang mga datos, pero hindi pa rin dapat huminto ang mga programa.
Kailangan aniya ng mga lider na may malasakit at determinasyon na ipagpatuloy ang mga adbokasiyang ito.
