National News
Sen. Poe, suportado ang pinalawig na operasyon ng MRT at LRT
Malugod na tinanggap ni Senadora Grace Poe ang pagpapalawig ng oras ng operasyon ng MRT at LRT, na aniya’y malaking ginhawa para sa mga pagod at abalang commuter.
Sa gitna ng isinasagawang rehabilitasyon ng EDSA, mas maraming tao ang pipiliing iwan ang kanilang mga sasakyan sa bahay kaysa makipagsapalaran sa matinding trapiko.
Dahil dito, binigyang-diin ng senadora na dapat tiyakin ang sapat at episyenteng pampublikong transportasyon para sa mga commuter.
Aniya, ang karagdagang oras ng biyahe ng tren ay dapat samahan ng maayos na seguridad, help desks, at maingat na pangangalaga sa mga pasilidad upang matiyak ang maginhawa at ligtas na paglalakbay.
Ayon pa kay Poe, isang palatandaan ng maunlad na bansa ay hindi ang pagkakaroon ng sasakyan ng lahat, kundi ang paggamit ng pampublikong transportasyon kahit ng mayayaman.
