National News
Sen. Tolentino, hinimok ang DOJ na linawin ang hurisdiksyon ng PCG
Hinimok ni Senador Francis Tolentino ang Department of Justice (DOJ) na maglabas ng opinion na maglilinaw sa hurisdiksyon ng Philippine Coast Guard (PCG) sa mga pribadong dayuhang sasakyang pandagat.
Sa nakaraang pagdinig ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs tungkol sa pagkakahuli ng 1.4 na toneladang shabu sa Alitagtag, Batangas, sinabi ng isang kinatawan ng PCG na hindi sila malayang makakilos at walang hurisdiksyon sa mga pribadong yate dahil sa Maritime Industry Authority Circular.
Ayon sa senador, ang mandato ng PCG ay nagmumula sa RA 9993 o’ Philippine Coast Guard Law of 2009 at hindi ito maaring ipawalang bisa ng isang circular.
Pabor naman si Justice Usec. Raul Vasquez sa posisyon ni Tolentino at nilinaw na ang mandato ng MARINA ay limitado sa registration at administration ng mga sasakyang pandagat.
Ang PCG bilang isang otoridad sa pagpapatupad ng batas at may kapangyarihan ring inspeksyunin ang mga pribadong dayuhang sasakyang pandagat.
Hiniling din ni Senador Tolentino na isama ang Senate Bill 2265 o’ The Philippines Archipelagic Sea Lanes Act sa ulat ng komite kasama ang opinion ng DOJ.
Binigyang diin nito ang pangangailangan ng isang batas na magtatakda ng mga daanan sa mga karagatang sakop ng bansa.