National News
Sen. Tolentino, pinuri ang 22-medal haul ng Pinas sa world kickboxing cup
Hindi matatawaran ang ipinakitang galing ng Team Pilipinas sa 1st Thailand Kickboxing World Cup 2025 sa Bangkok, Thailand kamakailan kung saan 22 medalya ang naiuwi ng mga atleta natin.
Pinuri ni Senate Majority Leader Francis Tolentino ang tagumpay ng Team Pilipinas sa katatapos lang na 1st Thailand Kickboxing World Cup 2025.
8 ginto, 4 na pilak, at 10 tanso ang naiuwi ng ating mga pambato mula sa prestihiyosong kompetisyon sa Bangkok—patunay na world-class ang galing ng atletang Pilipino.
Binigyang-pugay ni TOL, na siya ring presidente ng Samahang Kickboxing ng Pilipinas, ang husay, tapang, at disiplina ng mga atleta.
Kabilang sa mga nagningning ay si Jovan Medallo na nasungkit ang 4 na gintong medalya, at si Janah Jade Lavador na nag-uwi ng 2 ginto at 2 tanso sa iba’t ibang form categories.
Sa combat events, nagpakitang-gilas sina Whinny Bayawon at Jethro Saba na kapwa humakot ng ginto sa kani-kanilang weight divisions.
Sa hanay ng kababaihan, muling pinatunayan ni Paris Olympics boxer na si Nesthy Petecio na uubra siya sa kanyang dating sport, matapos masungkit ang pilak sa women’s K1-70kg division.
Sa kabuuan, 630 atleta mula sa 30 bansa ang lumahok sa torneo na pinangasiwaan ng World Association of Kickboxing Associations.
Ayon kay Sen. Francis “Tol” Tolentino, “Ang paglalaro ng kickboxing ay hindi gawang biro. Nawa’y patuloy nating ipagdasal at suportahan ang ating kickboxers—at lahat ng atletang Pilipino.”
Isang karangalan para sa bansa ang tagumpay ng Team Pilipinas, na patuloy na nagbibigay inspirasyon sa mga susunod na henerasyon ng mga atleta.
