Connect with us

Senado, wala nang tiwala sa NFA; Hiling na dagdag-kapangyarihan para sa ahensya, binara

Senado, wala nang tiwala sa NFA; Hiling na dagdag-kapangyarihan para sa ahensya, binara

National News

Senado, wala nang tiwala sa NFA; Hiling na dagdag-kapangyarihan para sa ahensya, binara

Bad shot na ngayon sa Senado ang pagbibigay ng kahit anumang karagdagang o pagbabalik ng kapangyarihan para sa National Food Authority (NFA).

“Kasi walang-wala nang tiwala ang sinumang mambabatas dito sa Senado at gayundin ang mga magsasaka. Kapag pinakialaman ang NFA sad to say may kababalaghan,” ayon kay Sen. Imee Marcos.

Sa pagdinig ng Senate panel ng Congressional Oversight Committee on Agricultural and Fisheries Modernization sa pangunguna ni Senador Cynthia Villar araw ng Martes, Mayo 14, ay harapan na sinabi ni Senadora Cynthia Villar at Senadora Imee Marcos kay Agriculture Secretary Francisco Laurel ang kanilang kawalan ng tiwala sa ahensya.

Ito ay matapos hilingin ni Laurel sa komite ni Villar na ibalik na rin sana sa NFA ang kapangyarihan na magregister at magmonitor ng mga bodega.

SI Villar at Marcos ay ang chair at vice-chair ng Committee on Agriculture sa Senado.

Kasunod nito ay kinuwestiyon ni Senadora Imee Marcos kung bakit kailangan sa NFA ibigay ang kapangyarihan sa mga warehouses kung trabaho naman ito ng Department of Agriculture (DA).

Tanong ng senadora, para saan ang dagdag na tiwala para sa NFA kung ang natatangi nga nitong mandato na mag buffer stock ng bigas ay hindi pa nito kayang gampanan.

“Hanggang magampanan ng NFA ‘yung tanging mandato sa kanila na mag-buffer stock hanggang ng 60-90 days ‘wag na nating pag-usapan ‘yung pagdagdag ng kapangyarihan pa sa NFA na ‘yan, puwede po ba? DA na lang ang sumagot niyan. Trabaho naman ninyo ‘yan eh. Wala nang matitira sa DA,” dagdag pa ng senadora.

Ipinunto ni Marcos na malawak at sakop na ng kapangyarihan ng DA ang pagmonitor sa mga bodega kaya’t di na kailangan ang dagdag na kapangyarihan para sa NFA.

“The Department of Agriculture has very wide-ranging powers with everything and anything to do with food. I cannot understand why there is a claim now that you have no powers. You have it extensive powers with regard to agriculture and food. It’s bizarre that you are claiming that you do not have power over warehouses,” ani Marcos.

Dahil dito ay muling naungkat ang unang hiling ng DA para sa NFA na ibalik ang kapangyarihan na makapag-import at magbenta ng murang bigas.

Ang mga nasabing kapangyarihan dati ng ahensya ay tinanggal dahil sa pagsasabatas ng Rice Tarrification Law kung saan si Senador Cynthia Villar ang punong may akda.

“I would just like to reiterate na nung pinagawa sa akin ang RTL talagang binira lang talaga ang NFA. Galit na galit din ‘yung administration sa NFA. Pinatatanggal na nga. Di ko lang tinanggal kasi andaming empleyado. Pinatatangal na ‘yan eh tapos ngayon i-rerestore natin?” Ayon naman kay Sen. Cynthia Villar.

Sa Kamara, aprubado na sa 2 komite ang isang substitute bill na nag-aamyenda sa Republic Act 11203 o Rice Tarrification Law partikular na ang tungkulin ng NFA na panatilihing mababa ang presyo ng bigas matapos itong i-certify as urgent ng pangulo.

Kabilang sa probisyon ang pagbabalik sa kapangyarihan ng NFA na i-regulate ang supply ng bigas; ang pag-regulate sa warehouses na imbakan ng bigas, ang pagbili ng locally-milled rice at ang direktang pag-import ng bigas tuwing kinakailangan.

Pero para sa mga senador ang kapangyarihan na mag-import kung may emergency ay di na rin kailangan pang ipagkatiwala sa NFA. Puwede naman daw kasing itong ipagtiwala na lamang sa pangulo bilang emergency power o di’ kaya ay sa mga kalihim ng DA at Department of Trade and Industry (DTI).

More in National News

Latest News

To Top