National News
SINAG, nababahala sa posibleng pagbaha ng imported sibuyas sa merkado
Ikinababahala ng grupong Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) ang posibleng pag baha ng pulang sibuyas sa merkado.
Ito ay dahil sa pagtatapos ng importation ban sa sibuyas ngayong buwan ng Hulyo.
Saad ni Engr. Rosendo So, ang chairman ng SINAG, “Babagsak ang presyo ng sibuyas and ‘yung lahat ng mga nag cold storage ay malulugi ‘yun ang malaking problema.”
Sa datos, papalo sa 9 na buwan o halos 276 na araw o 162-K metric tons ang suplay ng lokal na pulang sibuyas sa bansa.
Tatagal aniya ito ng hanggang sa unang kwarter ng 2025 habang nasa higit 11-K metric tons naman sa puting sibuyas na aabutin pa sa Setyembre ng taon.
Paliwanag ng Department of Agriculture (DA), naging maganda ang anihan ng sibuyas kaya’t maraming magsasaka ang nag pasok ng ani sa cold storages.
Pero, pinag-aaralan na raw ng ahensya ang pagpapalawig sa import ban sa sibuyas na pula.
Sa ngayon, walang balak ang DA na mag patupad ng SRP sa sibuyas dahil nanatiling stable ang presyuhan sa merkado na nag lalaro sa P60 – P80 kada kilo.
