National News
Singil sa kuryente ng Meralco ngayong Nobyembre, tataas
Inanunsyo ng Meralco na magtataas sila ulit ng singil ngayong Nobyembre.
Nasa 23 centavos kada kWh ang dagdag singil o katumbas ng P47 para sa mga kumukonsumo ng 200 kWp kada buwan.
Habang P177 naman ang madaragdag sa bill kada buwan kung umaabot sa 500 kWp ang kinukonsumo.
Paliwanag ng Meralco, ang pagtaas sa singil sa kuryente ngayong Nobyembre ay dulot ng mas mataas na transmission charge na umakyat sa 12 centavos kada kWp sa mga residential customer.
Ayon kay Meralco Vice President at Head of Utility Economic Lawrence Fernandez, malaking factor dito ang mataas na ancillary service charges ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) para sa regulating reserves dahil tumaas ito ng halos 4 na beses.
Bukod pa dito, bahagya ring tumaas sa P7.19 ang generation charge o halaga ng pagbili ng kuryente ngayon buwan.
Nagmahal aniya ang singil ng mga independent power producer at maging sa wholesale electricity spot market.
Hindi sa ngayon masabi ng Meralco kung sa susunod ba na buwan ay magkakaroon ng pagbaba sa singil sa kuryente subalit tuwing ber months raw ay mababa ang consumption sa kuryente.
Ito na ang 3 magkakasunod na buwan na nagpatupad ng taas-singil sa kuryente.
