National News
SONA accreditation ng SMNI sa Batasang Pambansa, ‘di inaprubahan – Sonza
Hindi pinayagan ang Sonshine Media Network International (SMNI) na mag-cover sa loob ng Batasang Pambansa para sa 2024 State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos.
Ayon sa consultant ng network na si Jay Sonza na isa ring beteranong newsman, hindi inaprubahan ang accreditation ng technical team ng network.
Wala ring inilaang pwesto para sa SMNI sa northwing lobby ng Batasang Complex kung saan naka-hilera ang mga broadcast set-up ng iba’t ibang news organization sa bansa para i-cover ang pagpasok ng mga VIP sa red carpet entourage papuntang plenary ng House of Representatives.
Ayon sa SMNI Consultant Jay Sonza, “Ang problema, ayaw po nila kaming bigyan ng accreditation doon sa aming technical and logistical support team. Kasi daw, bakit pa kami magla-live eh, social media lang naman? Ang tanga-tanga, bobo talaga eh. Kahit na social media, kahit New Media, kahit mainstream media, hindi pwedeng mag-live na mga walang technician, walang engineers.”
Bilang bahagi ng public affairs function ng SMNI, kabilang ang taunang SONA ng pangulo sa pinaghahandaan ng network.
At kada taon, hindi nawawala ang himpilan, kasama ng ibang news organization, na pumuwesto sa Kamara para i-cover ang SONA.
Pero, nag-iba ngayong taon dahil nagpasa sa Kamara ng panukalang batas para i-basura ang franchise law ng SMNI.
Ang Kamara rin ang basehan ng National Telecommunications Commission o NTC para patawan ng indefinite suspension ang network na hanggang sa ngayon ay patuloy na umiiral.
Nag-ugat naman ang mga hakbang ng Kamara laban sa SMNI nang tanungin ng isa sa program anchors nito na si Jeffrey ‘Ka Eric’ Celiz kung totoo bang umabot sa P1.8 Billion ang travel funds ng office of the Speaker sa nakaraang taon.
Ani Sonza, “Anyway, so hindi na po namin ipipilit ‘yan. Para lang malaman ng – kasi baka sabihin na naman ng mga – “oh tingnan niyo SMNI, galit kay Marcos, hindi sila nag-live.” Diba? Kaya nililiwanag po natin ngayon pa lang. Para at least malaman ninyo, gustuhin man namin, para maging pantay, sila na ho, dinis-approve ho ng Malacañang at saka ng office ni Speaker, ang accreditation ang aming technical team. Eh, hindi po kami pwedeng maglive ng direct from the Batasan complex. Salamat po.”