National News
Sual, Pangasinan mayor, iginiit na wala silang relasyon ni Alice Guo
Sa unang pagkakataon ay dumalo sa pagdinig sa Senado nitong Setyembre 17, 2024 si Sual, Pangasinan Mayor Liseldo “Dong” Calugay.
Binigyang linaw niya na dito kung ano ang kanyang koneksyon kay dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Ayon kay Calugay, magkaibigan lang sila ni Alice sa kabila ng mga litrato nila na ipinakita ng mga mambabatas kabilang na ang pagsuot nya ng Alice Guo t-shirt sa kanyang birthday.
Sa isa pang litrato na ipinakita ay mayroon silang couple shirt.
Nilinaw naman ng mga senador na hindi sila interesado kung magkasintahan si Calugay at Guo dahil ninanais lang nilang malaman kung magkasosyo ang mga ito sa iba’t ibang negosyo.
Duda nila, posibleng may tambalan si Calugay at Guo sa pagpapatakbo ng ibat-ibang pekeng negosyo para mailusot ang money laundering.
Halimbawa na dito ang Dee Aqua Farm na nakapangalan kay Cheryl Medina, isang senior staff ni Mayor Calugay.
Ang Dee Aqua Farm ay itinanggi naman ni Medina na si Calugay ang nagmamay-ari.
Aniya, sa kanya umano ito ngunit hanggang application lamang dahil sa hindi natuloy.
Samantala, ninanais ni Sen. Sherwin Gatchalian na imbestigahan na ang posibleng pagkakasangkot ng mga bangko sa pagpapatayo ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.
Matatandaang sa mga nakaraang pagsisiyasat ng Senado sa mga POGO ay lumutang ang mga transaksyon sa bangko ng mga kumpanyang pag-aari ni Guo Hua Ping alias Alice Guo na nagkakahalaga ng daan-daang milyong piso.
Para kay Gatcalian, ito ang posibleng nagbigay-daan sa pagtatayo ng POGO hub sa Bamban.
Ipinagtataka ng senador kung paano dumaloy ang malaking halaga ng pera kung hindi na-flag ng mga bangko. “Ang pagdaloy ng pera, mga disbursement ng tseke, at ilang mga transaksyon na kinasasangkutan ng mga nasabing Guo account ay pinakamataas noong 2020 na lubhang hindi pangkaraniwan kasunod ng pagtama ng COVID-19 na nagparalisa sa mga negosyo at ekonomiya sa buong mundo.”
Binigyang-diin na rin niya, ang ganitong mga pangyayari ay nagdudulot ng mga katanungan tungkol sa kasapatan ng umiiral na mga regulasyon at alituntunin laban sa money laundering at counter-terrorism financing para sa mga bangko at institusyong pampinansyal. “Ang kabiguan ng mga bangkong ito na iulat ang mga kahina-hinalang transaksyon ay nagbukas sa usapin ng pagiging epektibo o hindi ng kanilang internal control at mga patakaran.”
Ang Republic Act No. 9194 o ang Anti-Money Laundering Act of 2001 ay nagmamandato sa lahat ng mga sakop na institusyon kabilang ang mga bangko na iulat ang lahat ng mga kahina-hinalang transaksyon sa Anti-Money Laundering Council sa loob ng limang araw.