National News
Subpoena ng CHR sa 7 NBP jail officers kaugnay sa pagpapahubad sa mga dalaw sa NBP, hinihintay pa ng BuCor
Wala pang natanggap na subpoena ang Bureau of Corrections (BuCor) mula sa Commission on Human Rights (CHR) para sa 7 jail officers ng New Bilibid Prisons (NBP) na isinangkot sa strip search o pagpapahubad sa 2 dalaw ng mga bilanggo.
Kasunod nito, nilinaw ni BuCor Director Gregorio Catapang Jr. na walang political detainees sa mga pasilidad ng BuCor dahil lahat ng nakukulong duon ay sentensiyado ng mga korte sa mga kasong kriminal.
Magugunitang nagreklamo o humingi ng tulong sa CHR ang 2 ginang na pinaghubad sa isinagawang body search nung dinalaw nila ang kanilang mga mister na umano’y mga political prisoners.
Samantala, inamin ni Catapang Jr. na nakakadismaya ang alegasyon ng militanteng grupong Karapatan tungkol sa posible umanong magkaroon ng whitewash sa imbestigasyong kaugnay sa strip searches sa mga babaeng dalaw ng mga inmates sa NBP sa Muntinlupa City.