National News
Supplier ng ASF vaccines, pinagdudahan ng ilang senador
Nasermunan ng ilang senador ang mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) at Food and Drug Administration (FDA) sa isang hearing, nitong Lunes, Setyembre 9, 2024.
Ayon sa mga senador, ang inisyal na bakunahan sa Lobo, Batangas ay hindi katanggap-tanggap dahil kakaunti lang ang nabakunahan sa kabila ng milyun-milyong piso na inilaang pondo para rito.
Sa ulat pa, may namatay na mga alagang baboy sa Lobo matapos binakunahan ng ahensya.
“Ang ginawa pong rollout ng vaccines ay limited lang po sa iilan na farms especially po ‘yung nag-comply doon sa biosecurity. As of now po, sa observation stage pa rin po at sa totoo lang, 41 na baboy pa ang nabakunahan sa amin. As per our veterinarian, mayroon pa ring namatay po, 5 po out of 41,” ayon kay Lobo, Batangas Mayor Lota Manalo.
Sa panig ni Sen. Francis Tolentino, “ang binili nilang doses ay 600K, so, 41 lang ang sa Lobo. So, magi-expire nga ‘yung marami kasi daan libo ‘yung binili natin tapos 41 lang ‘yung binakunahan.”
Ang paliwanag naman ng DA dito, hindi lahat ng alagang baboy ay kailangang bakunahan gamit ang AVAC ASF LIVE vaccine.
Tanging mga grower na alagang baboy lamang anila ang kwalipikadong mabakunahan at hindi kasama ang mga inahing baboy.
Una nang sinabi ng ahensya na nasa 10K doses ng bakuna ang gagamitin para sa initial rollout sa Lobo, Batangas.
Samantala, kinukwestiyon ng mga senador lalong-lalo na si Sen. Cynthia Villar kung bakit bumili ng bakuna ang gobyerno sa Vietnam na hindi mabisa at hindi rin ginagamit ng ibang bansa kontra ASF. “Hindi tanggap sa Amerika ‘yang vaccine na ‘yan from Vietnam, nag-hearing na kami diyan. Nagkataon ‘yung supplier na ‘yan ay malakas sa inyo, diba? Alam ko naman ang background ng supplier na ‘yan eh.
Nakita niyo na guma-grabe ang ASF- hindi nagi-improve, guma-grabe. Ibig niyong sabihin, dahil sa pagmamahal niyo sa supplier, kahit guma-grabe ang ASF, hindi niyo papansinin dahil mahal niyo ang supplier.”
Aabot sa P350M ang pondo para sa 600K doses ng ASF vaccines.
Iyon nga lang, hanggang ngayon ay nasa observation stage pa ang ahensya at nananatiling inaalam pa nila kung epektibo ang bakunang binili.
Matatandaang buwan ng Hunyo ngayong taon nang mag-isyu ng certificate of product registration (CPR) ang FDA para sa AVAC ASF LIVE vaccine na sumailalim lang sa dalawang taon na local clinical trials.
Sa ilalim ng CPR, tanging gobyerno lamang ang pinahintulutang mangasiwa sa gagawing controlled vaccination kontra ASF.