National News
Swab testing sa mga uuwing OFW, hindi apektado sa kabila ng pagtigil ng PRC
Sa kabila ng pagtigil ng Philippine Red Cross (PRC) na magsagawa ng COVID-19 test ay tiniyak ng Overseas Workers Welfare Administration ( OWWA) na hindi apektado ang pag te-test ng mga umuuwing Overseas Filipino Worker mga dumarating sa paliparan galing ibang bansa.
Sa panayam ng SMNI News kay OWWA Administrator Atty. Hans Leo Cacdac ay nilinaw nito na patuloy ang pagtetest sa mga dumarating na OFW sa paliparan at ang resulta ng specimen na sinaswab ay dinadala sa 11 laboratoryo ng gobyerno .
Yun nga lamang ayon pa kay Cacdac, tatagal ng hangang 7 araw ang resulta ng test at ang pag aantay ng mga OFW sa hotel quarantine facilties
Una na ring sinabi ng National Task Force Against COVID-19 test na magkakaroon ng diversion flight sa Clark at Cebu para sa dumarating na OFW sa Manila.
Dahil may kapasidad ang lugar na makapag test ng 4,000 hangang 6,000 bawat araw.
Pero ayon naman kay Cacdac sa ngayon hindi pa naman masyadong ganap dahil patuloy pa rin naman ang pagdating ng mga OFW sa Manila at posibleng mangyari kung tuluyan ngang matatagalan ang paglabas ng resulta sa test ng mga OFW.
Sa kabila ng konting pagkakaantala ng paglabas sa resulta ng test ng mga dumarating na OFW sa NAIA ay tiniyak naman ng OWWA na patuloy pa rin na aagapay ang mga ahensya ng gobyerno sa mga umuuwing OFW.
Ayon sa Philhealth , hinihintay na lamang nila ngayon ang clearance mula sa Department of Budget and Management (DBM) para mabayaran na ang kanilang utang sa PRC sa lalong madaling panahon.
Tiniyak naman ng naturang ahensya na mayroon silang sapat na pondo para bayaran ang kanilang utang.
