National News
Tangkang zero budget ng OVP sa 2025, “grave abuse of discretion”
Nakarating kay Vice President Sara Duterte ang plano ng Kamara laban sa kaniyang tanggapan para sa 2025.
Ayon sa Bise, tanggap na niya kung ganito man ang desisyon ng House Leadership at bahagi raw ito ng pag-atake laban sa kaniya.
Ikalawang beses nang pina-defer ng House Committee on Appropriations ang mahigit sa P2B proposed budget ng Office of the Vice President (OVP) para sa 2025.
Diin ng Bise, hindi nagustuhan ng mga kongresista ang pagsagot niya sa mga tanong patungkol sa 2023 intelligence at confidential funds ng kanyang tanggapan.
Ngunit para kay dating Chief Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo, may kapangyarihan ang Korte Suprema para pamahalaan ang mga abuso sa ahensya ng pamahalaan. “Tandaan niyo, ang Korte Suprema ay binigyan ng kapangyarihan ng Saligang Batas, sa 1987 Constitution na anumang pang-aabuso ng isang sangay ng gobyerno, ng isang departamento ng isang public official sa kaniyang trabaho ay maaaring baliktarin ng Korte SupremA kapag ito’y labag na.”
Kagaya na lamang ng plano ng Kamara sa tanggapan ni VP Sara.
Ani Panelo, kung itutuloy man ang zero budget sa OVP, maliwanag na abuso ito sa diskresyon ng mga kongresista. “Kaya kung ang gagawin po nila ay tatanggalan na nila ng budget ang OVP, that is grave abuse of discretion kasi may discretion sila na mag-approved at disapproved pero kailangan reasonable. Dahil lang hindi pumunta o sumagot ay hindi yun grave, hindi yun abuso sa parte ni Inday Sara.”
Diin ni Panelo, dapat igalang ang tanggapan ng ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa kahit sino pa man ang nakaupo dito.
Ang mga nakaupo ngayon sa Kamara, matatandaang kaalyado ni VP Sara noong 2022 elections pero sadya raw na may mga taong nais manatili sa pwesto habambuhay kaya sinisiraan ngayon silang mga Duterte ayon kay Panelo.
Wala pang schedule kung kailan ulit isasalang sa pagdinig ng Kamara ang 2025 OVP proposed budget.