Regional
Task Force Davao, hindi bubuwagin – AFP
Mariing itinanggi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang napapabalitang bubuwagin ang Task Force Davao.
Sa pulong balitaan sa Kampo Aguinaldo, sinabi ni AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla na walang ibang intensyon sa kanyang pagbisita sa Mindanao si AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. kundi ang parangalan ang Eastern Mindanao Command (EastMinCom) dahil sa mabilis na aksyon nito sa kalamidad sa Davao region.
Nag-ugat ang pahayag ng AFP matapos umugong ang balitang bubuwagin umano ang Task Force Davao kasabay ang planong paghuli kay dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa mga pahayag nito na ihiwalay ang Mindanao sa Pilipinas.
Samantala, nauna nang nagbigay ng pahayag ang EastMinCom na wala silang natanggap mula sa kinauukulan na tanggalin ang Task Force Davao dahil malaki narin ang naiambag at naging papel ng Task Force Davao sa pagpapanatili ng peace and order sa rehiyon.
Kasabay nito muling nanindigan ang AFP na sila ay mananatiling tapat sa konstitusyon para sa kaligtasan ng mga Pilipino at ibinida ang battle cry ng AFP na “One AFP, One Philippines, Strong AFP, Strong Philippines.”